Saturday, July 25, 2009

Masaya ba talaga ako?

Masaya ba talaga ako? Isang tanong na kung itatanong mo sa kapuwa mo ay tatawanan ka. O maaring titingnan sa iyong mukha kung maligaya ka ba talaga o iyong nakatawa ka. O makita na maayos ang iyong buhay o maaring wala kang "stress", di ka mainitin ang ulo o mahina kang mag-salita.
Makikita ba ng kapwa mo ito? Makikita ba ng ibang tao na masaya ka? Kung nais mong makakita ng masasayang mga tao ay pumunta ka sa mga Born Again o mga fellowship na pentocostal style iyong worship nila. Para ba silang walang problema, habang naroon sila sa gawain nila. Pero papaano ang buhay nila pagkatapos nito. Pag uwi nila sa bahay naroon at madadatnan nila si Hudas, si lucifer, si satanas at lahat ng mga hayop.
Sa buhay ko ay naranasan ko ng lahat. Ngayon ay 53 yrs old na ako at naranasan ko ang matuwa, malasing, mapabasag-ulo,problema, umiyak at lalong higit sa lahat ang masaktan. At alam ba ninyo ang mga nakita ko, pare-pareho ito. Lahat ng mga bagay sa buhay natin ay pareho-pareho. Paikot-ikot, pabalik-balik. Ito ay isang normal na kasama sa buhay natin.
Ang kailangan lamang nating gawin ay palipasin ang lahat ng ito, kung makakasama sa atin. Tingnan po nati kapag umuulan. Kapag malakas ang ulan at sumugod tayo maraming posibilidad na mangyari. Maaring mabasa tayo, maaring mapulmunya o magkasakit tayo. Maaring makarating tayo sa bahay at malampasan natin ang ulan subalit nabinggit ang buhay natin sa alanganin. Subalit kung hihintayin nating tumila ito, maaring mag-sacrifice tayo ng maraming oras kung kailan titila ito o maaring magsacrifice tayo na doon na magpaabot ng umaga, kapag di kaagad tumila ang ulan. May sacrifices pa rin.
Dapat na makuha natin na ang problema sa buhay natin ay come and go. At ang katawang ito ay hiram lang natin. Kailangan iwanan kung expired na ang contract. Kailangang iwanan kapag kinuha na ng may-ari.
Kaya ang kaligayahan ay tayo lamang ang makasasagot. Kung maligaya ako, hindi lagi. Kung may problema at umiiyak ako hindi rin lagi, pero ang alam ko nasa akin ang Diyos. Kaya ano man ang moment ng buhay ko kasama ko ang Diyos. Makita mang maligaya ako o hindi. Maramdaman ko mang maligaya ako o umiiyak, sa mga pighati at karamdaman, sa kanya ako pupunta kapag binawi na niya ang buhay ko.
Ito ang paniwalaan mo....

Ang talagang ako

Sa buong buhay ko nagtataka ako sa sarili ko kung bakit marami akong nagawang mga desisyong parang hindi tama. Mga desisyong akala ko ay isang pagkakamali. Maraming bagay akong nais kong ibalik ang oras na nagdaan upang baguhin ko ang nagawa kong disisyon ko nagawa. Subalit wala na akong magawa at ipagpasalamat na lamang ang lahat. Nakilala ko raw si Hesus noong Mayo 19, 1982 at tinangap ko siya noong Mayo 13, 1994. Naglingkod ako sa kanya, lahat ng mga activities sa Church ay nag-aataend ako, umiiyak lagi ako sa Panginoon sa oras ng aking Panalangin, pero pakiramdam ko lalo akong naging makasalanan.
Kilala ako ng maraming mananampalataya. Nakilala ako ng marami. Marami ang humanga sa akin sa Evangilism maging sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hanggang magkaroon ng problema ang pastor sa simbahang aking kinabibilangan. Humiwalay kami at inakusahan ang pastor na makasalanan, hiningi na umamin sa kasalanan at i-descipline namin siya. Nang hindi niya ito ginawa nagbuo kami ng isa muling simbahan at ako ang napagkasunduang maging pastor.
Marami kaming iniwang salita sa Pastor na makasalanan ito, na dapat maparusahan. Nakakatawa, dahil parang wala akong kasalanang nagagawa. Parang lagi akong umaamin sa aking pagkakasala, parang isa akong santo na malinis na malinis. Pero sa loob ng aking puso, mas makasalanan pa ako kaysa sa taong aking inaakusahan.
Nagpatuloy ang aking pagmamayabang. Maraming natuwa sa akin. Maraming humanga sa akin. Maraming nagulat sa pangyayari sa buhay ko. Dahil alam nilang isa akong baboy ngayon ay tupa na. Isa na akong pastor na akala nila ay di makabasag ng isang pinggan Maraming na blessed sa akin. Maraming pera akong natatanggap. Mga bigay ng iba't-ibang mga taong nabago ang buhay dahil sa aking mga sermon. Marami ang gumaling na may sakit. May pilay na nakalakad, may bulag na halos nakakakita na.
Lalong tumaas ako, akala ko ako na ang lahat ng may-gawa nito. Sabi ko sa sarili ko, pinagpala ako.
Subalit hindi diyos na totoo ang aking dala-dala. Ang diyos na aking kilala ay walang iba kiundi ang aking sarili. Lumipad ako ng mataas. Nagdesisyon ako ng galing sa sarili kong isipan, hanggang kung anong nagawa kong kasalanan sa pastor na na inakusahan namin ay mangyari din sa akin.
Inakusahan ako ng marami na may babae raw ako. Ano mang gawin kong pagtanggi ay diko mabawi, kahit alam kong wala akong kasalanan. Isang babaeng member ng church namin ay nahuli ng pulis na kasama ko habang tinuturuan kong mag-drive, na kaming dalawa lamang. Napa-uwi siya sa Pilipinas, wala siyang bisa at akoy nalungkot. Ang batang ito lamang ang tumutulong sa kanilang magulang, "bread winner", ika nga.
Pinapadalhan ko siya ng pera noong una para makatulong sa family niya, subalit ng huli tumanggi na siya, nahihiya na siya at nag-asawa na siya.
Umalis ako sa pagka-pastor at pinagdusahan ko ang lahat ng ito. Nawalan ako ng tiwala sa sarili ko at naghinanakit ako sa mga kristiyanong humusga sa akin.
Pero ito rin ang ginawa ko noon. Ito ang aking itinanim. Ito ang aking aanihin. Ang kaibahan lamang ay ang pastor na inakusahan ko ay nagpatuloy. Ako ay sumuko.
Nagalit ako sa lahat... pati Diyos ay nakalimutan ko.
Sa pangyayaring ito nadamay ang aking buong pamilya. Hinanap ko ang aking sarili. Tumigas ang aking loob. Ang dating puso ko na iyakin kapag akoy nananalangin ay naging matigas. Parang bato at parang bakal ang kawangis.
Dumating ang sandaling makita ko muli ang sarili ko. Hiniwalayan ko ang asawa ko at nagpakasal ako sa dati kong iniibig(my first girlfriend). Umalis ako sa pagiging Born Again Christian at bumalik ako sa unang relihiyon ko. Nag-Catholic muli ako. Noong una ay mahirap. Noong una ay naiilang ako, pero ng makita ko ang naging mabuting dulot nito ay naligayahan ako.
Ngayon ko nakita ang nais ng Diyos. Ngayon ko nababanaag ang gusto ng Diyos sa puso ko, sa sarili ko. Muling nagbalik loob ako. Muli kong hinanap ang kanyang kabutihan at kapangyarihan. Talagang may purpose ang Diyos sa bawat isa sa atin. Naging asawa ko ay malapit din sa Diyos. Hindi siya gaanong magaling sa Bibliya, hindi siya malimit magbasa nito. Pero ang puso niya ay para sa kanyang kapuwa.
Nagbuo kami ng isang foundation at ang unang adhikain namin ay ang magkaroon ng Medical Dental Mission sa Pilipinas. Nakakahingi kami ng libreng gamot sa Red Cross at marami ang mahihirap na nabiyayaan nito.
Nag-tayo ako ng Prayer group na upang magkaroon pa rin ako ng paraan para makapag-bahagi ng Salita ng Diyos. Ngayon ko naunawaan ang gusto ng Diyos sa bawat isa sa atin. Kung sabihin mong "gamitin mo ako.Lord" at mangyari na kahit mahalaga sa iyo ang mawala. Magpatuloy ka, dahil iba ang nais ng Diyos sa buhay mo. Maaring sabihin ng iba ay kasalanan subalit kung alam mong ang Diyos ang may gawa nito, huimayo ka.
At makikita mo, hindi ka magiging sinungaling, kundi makikita mo ang talagang ikaw.
Ang Tunay na pagkatao mo.